Ramon Magsaysay

Si Monching noong 1920s.

Isa sa mga pinakamamahal na Pangulo ng Pilipinas si Ramon Magsaysay. Pinanganak siya sa Iba, Zambales noong 1907 sa isang panday (Anak ng Panday!) at isang guro. Nagtapos siya ng high school noong 17 taong gulang siya at nagtrabahong mekaniko at tsuper, habang nag-aaral ng Engineering. Nag-shift siya at nakatapos ng Commerce sa Jose Rizal College (ngayon Jose Rizal University) sa Mandaluyong.

Pag-kalikot ng kotse talaga ang hilig ni Ramon kaya ito ang naging unang trabaho niya nang sumali siya sa Army. Naging guerilla siya nang sumabog ang World War II at dito lumabas ang kakayahan maging lider. Dahil sa malinis na pangalan at mahusay na track record, madali si Magsaysay nanalong Congressman ng Zambales, napiling Secretary of National Defense ni President Quirino at nanalong Presidente ng Pilipinas noong 1953. Si Magsaysay ang nag-umpisa ng paggamit ng mga “jingles” sa kampanya dahil mahilig sumayaw si Lolo Monching. Isa sa pinaka-memorable na campaign jingle ang “Mambo Magsaysay“.

Namatay si Magsaysay sa isang plane crash sa Mt. Manunggal sa Cebu, walong buwan bago matapos ang term niya bilang Presidente. Limang milyong nag-hahagulgulang Pilipino ang sumabay sa pagdala sa kanyang bangkay sa Cementerio del Norte. Sanggunian [1][2]

[+] Makisig — hanep sa balikat, kahit walang shoulder pads! Simpatiko — napasuko niya yung Huk na inutisang i-assassinate siya. Down-to-earth — pinabukas niya ang Malacanang Palace para sa mga taong-bayan.

[-] Sana lang, nag-iwan siya ng clone; para siya yung Presidente natin ngayon.


Benigno Aquino Jr.

Si Ninoy at ang kanyang signature glasses.

Bago pa man siya naging model sa P500, at bago pinangalan sa kanya ang paliparan sa Pasay, si Benigno Aquino Jr. ay isang ulirang anak galing sa prominenteng pamilya sa Tarlac.  Naging pinaka-batang manunulat siya noong Digmaaan sa Korea; kung saan siya nagkamit ng mga parangal.  May mga pagkakataon na toka siya sa pagiging escort — halimbawa, kay Miss Tarlac na si Cristina Galang noong 1953.  Sumunod ang maraming mga natupad sa batang-batang edad sa larangan ng politika at pagsulat.  Pero naging kilala si Ninoy sa maingay na pagpintas kay dating Pangulong Marcos noong panahon ng martial law, na dahilan kung bakit siya pinapatay sa tarmac noong 21 August 1983. Sanggunian [1][2][3]

[+] Kahit malabo ang mata, ma-porma pa rin. Pinauso niya ang salaming kuwadrado.
[-] Sukdulan ang kulit. Hindi magpapatalo.


Mister-Yoso #1 aka “Kanang Kamay”

Sino yung cute na kabarkada ni Osmeña?

Ito ang alam natin:  Si Sergio Osmeña yung nakaupo sa gitna, na medyo hari ang pose. Sabi nung notes ng potograpo, kinuha itong retrato nuong 1907. Nuong 1904-1907, Gobernador si Kumpareng Sergio sa Cebu. Pero October 1907 siya lumipat sa Manila para maging kaunaunahang Speaker of the House. Medyo alanganin ang timing.

Mga detalye napansin:  Sa studio ito kinuhanan dahil may backdrop at hindi terno ang mga upuan. Hinila-hila lang galing kung saan-saan.

Sino nga ba itong Mister-Yosong Lolo Guapo na nakaupo sa kaliwa?  Isa ba siyang Cebuanong kanang-kamay ni Lolo Sergio?  O isa rin ba siyang representante rin sa National Assembly noong 1907-1910?  Ang maka-alam may premyong … kiss.

[+]  Mukhang bagong paligo.  Matangos ang ilong.
[-]   Bitin ang pantalon.


Domingo Abella Diaz

Si Guito noong mga 1930.

Si Domingo Abella Diaz ay taga-Naga, kung saan kilala ang pamilya niya.  Yung lolo niya sa nanay ay si Manuel Pizon Abella, isa sa mga Trece Martires Bicolanos na binaril sa Bagumbayan pagkatapos ni Rizal.  Saksakan ng yaman ng mga Abella at maraming silang mga lupain.  Naging aktibo si Domingo sa municipal board ng Naga at sa Chamber of Commerce nung panahon ng Amerikano.  Mukhang siyang misterioso, di ba?  Sanggunian [1][2]

[+]   Tinging nakaka-in-love. Mayaman (hindi ka ide-date sa McDo).
[-]    …


Manuel Luis Quezon

Si Manuel noong mga 1910.

Maraming ninunong Espanyol si Manuel Luis Quezon kaya naman mestiso ang look.  Maraming kwento tungkol sa kanyang pagka-chickboy.  Ang kwento ay nuong may nakagalit siyang pari at kapitan ng gwardiya sibil, ginagantihan niya ang mga ito sa pagnanakaw ng kanilang mga kasintahan.  Parang Gossip Girl.  Si Aurora, ang kanyang pinsang buo, ang nakapag-patino sa kanya.  Pero kahit na medyo may pagka-bad boy itong si Manuel nuong kabataan, sukdulan na lang ang pagmamahal niya sa Pilipinas at sa wikang Pilipino.  Sorry, Erap, pero si MLQ talaga ang pinaka-gwapong naging presidente ng Pilipinas.  Sanggunian [1] [2] [3]

[+]   Tisoy.  Muy simpatico.  Matalino.  Hindi nakalbo.
[-]   Gumaganti.  In love sa pinsan.